Tuesday, July 5, 2011

Sa Isang Banda, Sinampal Ako ng Tula na Ito

The poem below is an old poem which never had any personal impact on me when I first read it. But now, years after that, I read this poem again and *boom*!!! - flashes of memories of me and my siblings and our parents and how we, their children, often take them for granted and the lost opportunities to show them our love and concern. And this poem below cuts like a double edged knife in my heart - the first edge being the sins to my parents and the other edge being the sins that my son can do to me.

Sulat ni Nanay at Tatay
ni Fr. Ariel Robles

Sa aking pagtanda,
unawain mo sana ako at pagpasensiyahan.
Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan
o nakatapon ng sabaw sa hapag-kainan,
huwag mo sana akong kagagalitan.
Maramdamin ang isang matanda.
Nagse-self-pity ako tuwing sisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenga ko
at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo,
huwag mo naman sana akong sabihan ng bingi,
pakiulit na lang ang sinabi mo o pakisulat na lang.
Pasensiya ka na, anak.
Matanda na talaga ako.

Kapag mahina na ang tuhod ko,
pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo,
katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

Pagpasensiyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit
at paulit-ulit na parang sirang-plaka.
Basta pakinggan mo na lang ako.
Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan.
Natatandaan mo anak noong bata ka pa?
Kapag gusto mo ng lobo,
paulit-ulit mo 'yung sasabihin,
maghapon kang mangungulit hanggang hindi mo nakukuha ang gusto mo.
Pinagtiyagaan ko ang kakulitan mo.

Pagpasensiyahan mo na rin sana ang aking amoy.
Amoy-matanda, amoy-lupa.
Huwag mo sana akong piliting maligo.
Mahina na ang katawan ko.
Madaling magkasakit kapag nalamigan,
huwag mo sana akong pandirihan.
Natatandaan mo noong bata ka pa?
Pinagtiyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.

Pagpasensiyahan mo sana kung madalas,
ako'y masungit,
dala na marahil ito ng katandaan.
Pagtanda mo,
maiintindihan mo rin ako.

Kapag may konti kang panahon,
magkuwentuhan naman tayo,
kahit sandali lang,
inip na ako sa bahay,
maghapong nag-iisa.
Walang kausap.
Alam kong busy ka sa trabaho,
subalit nais kong malaman mo na
sabik na sabik na akong makakuwentuhan ka,
kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kuwento ko.
Natatandaan mo anak,
noong bata ka pa?
Pinagtiyagaan kong pakinggan
at intindihin ang pautal-utal mong kuwento
tungkol sa iyong teddy bear.

At kapag dumating ang sandali na ako'y magkasakit
at maratay sa banig ng karamdaman,
huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.
Pagpasensiyahan mo na sana kung ako man ay maihi
o madumi sa higaan,
pagtiyagaan mo sana akong alagaan
sa mga huling sandali ng aking buhay.

Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw,
hawakan mo sana ang aking kamay
at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.

At huwag kang mag-alala,
kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha,
ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana...
dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina....

No comments:

Post a Comment

Scratch your thoughts here, unless it's SPAM!