Friday, June 12, 2009

Araw ng Kalayaan 2009

Bilang pagpupugay sa Araw ng Kalayaan, minarapat kong itangi ang blog post na ito sa wikang Pilipino - ang wikang nagbungkos sa mahigit pitompung libong isla ng Pilipinas at mahigit siyamnapung milyong Pilipino sa buong mundo. Minarapat kong ititik itong blog ko sa wikang mas madaling maintindihan ng nakararaming Pilipino upang lubos nilang maunawaan ang aking mga nais ipahiwatig para sa ating bayan. Iisa-isahin kong babanggitin ang mga isyu ng ating bayan sa paraang paikot simula sa isyu ng Kalayaan...

1. Ngayong Araw ng Kalayaan ang ika-111 na anibersaryo ng kasarinlan ng ating bayan mula sa mga manakop na dayuhan. Ngunit talaga bang malaya ang Pilipinas sa kamay ng mga dayuhan? Hindi ba't nagsipalit lang ng anyo ang mga dayuhan? - mula sa saplot ng pagiging mananakop, nagbalat-kayo sila ngayon bilang mga kapitalista ng mga piratang DVD, 5-6 na pautang, mababang kalidad na mga produkto at terorismo, at ang iba nama'y nagpapakasasa sa alindog ng mga babae ng EDSA International Complex. Malaya ba ang Pilipinas mula sa mga bansang mayayaman at namumuhan? E kung si Nicole nga na isang bikitima ng panggagahasa ay nagkaroon ng sakit na kalimot at biglang iniatras ang kanyang isinampang kaso kapalit ng visa at pera, ano pa kaya ang ibang hindi maseselang kaso?

2. Ngayong Araw ng Kalayaan ang ika-111 na anibersaryo ng unang pagwagayway ng ating watawat sa harap ng ating mga kababayan. Pero tila ata nakakalimutan ng ilan ang kahalagan nito at ang tamang paggamit nito. Ayon sa R.A. no. 8491 o ang "Flag and Heraldic Code of the Philippines" chapter 1 section 34:
It shall be prohibited:
a) To mutilate, deface, defile, trample on or cast contempt or commit any act or omission casting dishonor or ridicule upon the flag or over its surface;
b) To dip the flag to any person or object by way of compliment or salute;
c) To use the flag:
1) As a drapery, festoon, tablecloth;
2) As covering for ceilings, walls, statues or other objects;
3) As a pennant in the hood, side, back and top of motor vehicles;
4) As a staff or whip;
5) For unveiling monuments or statues; and
6) As trademarks, or for industrial, commercial or agricultural labels or designs.
d) To display the flag:
1) Under any painting or picture;
2) Horizontally face-up. It shall always be hoisted aloft and be allowed to fall freely;
3) Below any platform; or
4) In discotheques, cockpits, night and day clubs, casinos, gambling joints and places of vice or where frivolity prevails.
e) To wear the flag in whole or in part as a costume or uniform;
f) To add any word, figure, mark, picture, design, drawings, advertisement, or imprint of any nature on the flag;
g) To print, paint or attach representation of the flag on handkerchiefs, napkins, cushions, and other articles of merchandise;
h) To display in public any foreign flag, except in embassies and other diplomatic establishments, and in offices of international organizations;
i) To use, display or be part of any advertisement or infomercial; and
j) To display the flag in front of buildings or offices occupied by aliens.

Maaring talamak ang paggamit ng disenyo ng ating watawat sa maraming bagay gaya ng damit, tsinelas at iba pa. Maganda talaga siyang tignan at nakakabuhay ng dugong Pilipino. Gaya ng ginawa ng Google:

Nakaka-antig itong pag-gunita ng Google sa ating kasarinlan ng bayan, ngunit ang tanong ay tama ba ito at naaayon sa batas? Sa aking palagay, mas mahalaga na repasohin na lang ng ating mga mambabatas ang mga ganitong klaseng batas, na halatang hindi na akma sa ating panahon ngayon, kesa ang konstitusyon.

3. Ngayong Araw ng Kalayaan ang ika-111 anibersaryo ng ating bayan bilang isang tunay na bansa. Ang unang araw ng kalayaan ang siyang nagbigay daan upang magkaroon ang ating bayan ng isang Saligang Batas. Marami na ang mga pagbabago at pagrebisang nangyari sa ating Konstitusyon mula noon, sabay sa pagbabago ng panahon - at hindi ito naging madali. Ang lahat ng pagbabago at pagrebisa sa Konstitusyon ay nagdaan sa mga prosesong maselan at mabusisi. Hindi ito madadaan sa maikling panahon lamang. Halatang-halata tuloy ang kasalukuyang Kongreso sa mga lihim nilang intensyong pampulitika, pampersonal man o pang-partido. Kaya ako, nakikiisa ako sa panawagan na pigilan ang pag-amyenda sa Konstitusyon...
No to Conass!

Kung para talaga sa ikabubuti ang iniisip ng ating mga mambabatas, dapat naisip nila na hindi napapanahon ang ganitong mga hakbang sa Kongreso - malapit na ang pagtatapos ng termino ng maraming pulitiko, tumataas ang halaga ng langis, at marami pang ibang isyu na mas kailangang pagtuunan ng pansin. Huwag sanang lokohin ng mga mambabatas ang taumbayan, ikahon na lang nila ang kanilang mga pansariling intensyon, isemento at ilubog sa dagat!

4. Ngayong Araw ng Kalayaan ang ika-111 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas, ang ating Inang Bayan. Ito ang ika-111 bertday ng ating Inang Bayan. Bilang mga anak, marapat tayong magbigay galang sa ating Inang Bayan, gaya ng paggalang sa ating mga tunay na nanay. Higit doon, bilang mga Pilipino, dapat mataas ang ating respeto sa mga kababaihan, gaya ng respetong ibinibigay natin sa ating Inang Bayan. Kaso, sunod sunod na isyung kababaihan ang lumalantad sa ating kasalukuyang panahon. Nandito ang matinding pambababoy ni Dr. Hayden Kho sa kanyang mga nakatalik - pambababoy sa paraang nag-video siya ng kanilang pagtatalik ng walang permiso. Ang matindi ikinalat pa ito ng kanyang mga kaibigan kuno sa buong mundo. Isa pang karumal-dumal na isyu sa kababaihan ang pagtukoy sa bangkay ni Ruby Rose Barrameda-Jimenez, kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda. Dalawang taon nang nawala si Ruby Rose at kailan lamang natagpuan ang kanyang bangkay sa isang bakal na kahon na punong-puno ng semento. Hindi pa natuwa ang mamatay tao, na pinaghihinalaang asawa ng biktima, inilubog pa ito sa dagat ng Navotas. Ngunit sa kabila ng mga ito, patuloy pa din ang mga Pinay sa paglaban para sa tagumpay at kalayaan. Kamakailan lamang ay nagwagi ang Pinay na si Rubilen Amit upang makamit ang unang babaeng kampeon sa larangan ng 10-ball pool sa buong mundo. Ipinakita ni Rubilen Amit na mahusay ang mga Pinay. Isa pang magandang balita ay ang paglaya ni May Vecina, na naunang nahatulan ng bitay sa bansang Kuwait sa salang pagpatay. Kasabay ng Araw ng Kalayaan, kasabay din ang paglaya ni May Vecina sa mga malamig na bakal na rehas at mahahapding latigo. Higit sa lahat, kasabay ng kalayaan ni May Vecina ang pagbibigay pag-asa sa kabila ng lahat ng paghihirap.

Nawa, ngayong Araw ng Kalayaan, maging malaya sana tayong lahat sa mga balakid na pumipigil sa ating tagumpay, kaginhawaan at kapayapaan. Mahalagang malalaman ng bawat Pilipino na ang Araw ng Kalayaan ay hindi lamang isang petsa ng kasaysayan, eto ay pamana ng ating lahi sa mga susunod pang henerasyon.



No comments:

Post a Comment

Scratch your thoughts here, unless it's SPAM!