Saturday, September 20, 2008

Astronaut

Isang araw ng Linggo, Agosto 31 2008, araw ng aking paglalaba yun, kaso tinamad ako. Ewan ko ba, meron na mang sabon, tubig at lalabhan. Pero di ko trip maging labandero nung araw na yun. Pero ayoko naman ding maging tambay sa sarili kong mundo. Gusto ko maging produktibo. Pero tinatamad ako.

Tinatamad ako sa mundong ginagalawan ko. Pakiramdam ko kelangan ko nang lumabas sa mundo. Kaya nung araw na iyon, minabuti kong maging astronaut. Ngayon isa akong trainee ng NASA, at ito ang aking napala...







++++++++++
Astronaut

Magiging astronaut ako para sa'yo
Lilipad ako palabas ng mundo
Lulutang ako sa kawalan
Sa kalawakan ng walang hanggan
Hanggang sa hangganan ng kalawakan

Sasakay ako ng rocket ship
Dala-dala lang ang aking isip
Walang dalahin kundi 'yong ala-ala
Walang ibang laman ang aking maleta
Para magkalaman ang iyong sikmura

Aabutin ko ang mga bituin
Mga planeta ay liligirin
Aabutin ko din ang Araw
Kahit pa abutin ng ilang araw
Para makabili ng 'yong bagong hikaw

Magkakarpentero ako sa Buwan
Kahit pa abutin pa ng ilang buwan
Magke-caregiver ako sa Mars
Sa Venus ako naman ay nars
Para may ipasalubong na Toblerone at Mars

Ako'y magiging pulis pangkalawakan
Gaya nila Shaider at Machine Man
Sa asteroid naman ako magmimina
Para makapagpadala ng pangmatrikula
Kaya, please, galingan mo sa eskwela

Magwewelding ako ng sirang U.F.O.
Ng mga amo kong alien na siraulo
Kahit na ituring nila akong alila
Alipin, balasubas at balahura
Ang mahalaga'y mas malaki ang kinikita

Mage-entertain ako ng mga Martian
Dito sa hotel at resto ng mga alien
Magti-titser naman ako sa Uranus
Mga makina ako ang mag-aayos
Para ang bahay natin ay maipaayos

Noon, gumigimik ako sa Jupiter
Ngayon, sa Saturn magdo-domestic helper
Dati, supervisor sa Makati
Ngayon, sa isang meteor magse-secretary
Upang makabili ng gamot sa Mercury

Magiging taga-linis ako ng driveway
Nang may maiuwi akong Milky Way
Magsusuot din ako ng mascot ni Pluto
Ang tanging aso na daga ang amo
Para merong maipadalang sustento

Sa isang kometa, nag-apply akong tindero
Sa kabilang galaxy, bilang tubero
Panadero naman sa isang constellation
Mag-aayos din ng mga computer installation
Sana maabutan ko pa ang 'yong graduation

Kahit saan ako mapunta sa space
May email, Friendster din naman at MySpace
Magmamarino't pahinante ako sa Neptune
Para may pang-download ka ng iTune
At pang-enroll uli pagdating ng June

Sana sa aking paglisan
Maranasan niyo'y katiwasayan
Wag sanang masayang ang pagod sa Araw
Pati ang laway sa'king Ingles kalabaw
Lalo na ang mga oras sa bulalakaw

Hindi ko kakalimutang magliham
At mag-uwi ng cornbeef at ham
Pag-uwi ko'y makakabili na ng sasakyan
At lilipat na sa bago nating tirahan
Lahat katas ng langis sa Buwan

Tutuparin natin ang ating mga pangarap
Hindi pa sa ngayon kundi sa hinaharap
Mahirap kasi kitain dito sa'ting mundo
Kesa sa ibang planetang tanim ay ginto
Ang pangarap na sana'y dito matatamo

Kaya wag mo na akong alalahanin
Mahal ko ika'y mamimiss ko din
Lahat lahat ay kaya kong iwanan
Para sa'yo gagawin ko yan
Magiging astronaut ako kung kinakailangan...

++++++++

Ngayon, hindi pa rin ako astronaut. Pero darating yun.

Darating yun.

(This craft is also seen in My Multiply Blog and The Digital Pinoy)

Bwisitahin mo pa ako sa iba kong bahay sa Multiply at sa Plurk... para bwisita na kita! hehehehe

No comments:

Post a Comment

Scratch your thoughts here, unless it's SPAM!